Maghintay ka muna. Inihahanda pa Niya ang love story na nararapat sa’yo.
Ok lang ako. Makakahintay pa ako. Hihintayin ko yung panahon na makikilala ko yung taong mamahalin ko at mamahalin ako.
Pero hindi ito ang sinasabi mo sa loob. Ito lang ang gusto mong malaman nila, siguro para hindi na sila magalala sa’yo. Pero hindi ito ang iniisip mo. Ito lang ang gusto mong isipin nila, siguro para hindi mag-iba ang tingin nila sa’yo.
Mahal ko naman talaga siya. Bakit hindi niya na lang ako mahalin? Bakit hindi na lang ngayon? Gusto ko na makilala yung magmamahal sa akin. Bakit hindi puwede ngayon na? Bakit sila, nakilala na nila?
Mga tanong na nakakasalubong mo halos araw araw. Sa tuwing nararamdaman mo ang sakit at naiingit ka sa mga nakikita mo. Minamadali mo ang panahon. Bakit hindi siya sumasang-ayon sa’yo? Ang hirap tanggapin at paminsan hindi na makatarungan ang tadhana.
Napapagod ka nang magkunwari sa harap ng mga kaibigan mo. Naiinis ka na din sa mga paulit-ulit mong sinasabi na masaya ka sa pagiging single at hindi ka pa rin naman ready mag commit. Nagpapakita ka ng senyales na gusto mong makahanap ng taong mamahalin, pero hindi nila ito nakikita. Naniniwala kasi sila sa’yo. Sa mga sinasabi mo. Iniisip mo na lang na may mga kaibigan kang nagtitiwala sa’yo. Ngunit hindi sila ang mga kaibigan na talagang nakakakilala sa’yo.
Leave a comment